| |
SCRIPT OF THE RE-ENACTMENT
OF THE ARRIVAL OF THE FIRST CONTINGENT OF LEPOSY ATIENTS
IN CULION MAY 27, 1906
DURING THE CENTENNIAL CELEBRATION MAY 2006
Ang taong 1906 ay
taon ng magkahalong paghihirap at pag-asa para sa mga
taong ang mga katawan ay sinamang palad na dapuan ng
karamdamang kinatatakutan ng madla – ang sakit na ketong,
ang pinakamatandang sakit sa kasaysayan ng tao. Ang
sakit na nagpapagupo hindi lamang ng pisikal na katawan
kundi maging ng espiritwal na kalagayan ng isang
nilalang na dinadapuan nito. Saksi ang kasaysayan kung
paanong ang taong nagkaroon ng ganitong karamdaman ay
itakwil ng kanyang pamayanang kinabibilangan. Ito
marahil ang sagot sa mga katanungan kung bakit ang
Culion ay nahirang bilang isang lugar kung saan ang
bawat maysakit na ito ay ipunin sa islang ito na noon ay
isla ng kawalang pag-asa.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 35 na pinirmahan
ni Governor Luke Wright noong Agosto 22, 1905, ang
Culion ay itinalagang reserbasyon para sa mga maysakit
na lepra o ketong. Sa pamamagitan din ng batas na ito,
ang lahat ng mga may sakit na ketong sa buong Pilipinas
ay inipon upang dalhin sa isla ng Culion.
Hindi nagiging madali ang pagdala at pagdating ng mga
maysakit dito sa Culion. Marami ang nagbuhos ng
matinding sama ng loob, pighati, luha, awa sa sarili –
damdaming likha at bunga ng karamdamang mula pa man sa
kasaysayan sa banal na kasulatan ay kinatatakutan na.
Nang mga panahon ding iyon, ang pagiging ketongin ay
masahol pa sa pagiging kriminal ng lipunan. Ang
karapatang pantao ay tila walang puwang at hindi
ginagalang. – Napatunayan ito nang ang sanitaryo na
nagngangalang Lorenzo Taborado ay mapasinayaan at
mapagkalooban ng karangalan sa kanyang pagbaril at
pagpatay sa isang ketonging nagtangkang tumakas upang
hindi mapabilang sa mga pasyenteng maninirahan dito sa
Culion. Nakakalungkot, nakakakilabot ngunit isang
katotohanan.
Ika 27 ng Mayo,
1906 – ang Culion ay nagsimulang maging tahanan – ang
taguri ng iba ay bilangguan, dala na rin na paniniwalang
ang pagyapak sa Culion ay habambuhay na pagkawalay sa
mga mahal sa buhay at dito na haharapin ang mapait na
kamatayan.
Isang dapit-hapon,
payapa ang paligid. Ang dampi ng hangin ay sinlamig ng
damdaming namamayani sa bawat maysakit. Ang dapithapong
simbolo ng pagpikit ng talukap ng pag-asaat mababanaag
sa bawat isa. Ang dapithapong ito ay ang pagdaong ng
barkong Polilio at Mindanao, lulan ang 370 maysakit sa
ganap na ika-apat ng hapon sa dalampasigan ng Culion.
Sila ay sinalubong
ng hepe ng ospital, Dr. Charles de May, kasama ang kura
paroko na si Fr. Manuel Valles, S.J. at ang apat na
madre ng Sisters of St. Paul de Chartres na sina Sr.
Calixte Christen, Sr. Sidonie Bureau, Sr. Therese de
Jesus at Sr. Marie du Bon Pasteur.
Subalit hindi
naging ganon kadali ang kanilang pagtanggap sa kanilang
patutunguhan. Marami ang tumanggi subalit wala din
namang nagawa kundi tanggapin na lamang ang kanilang
kapalaran. Sa tulong moral at espiritwal ng mga pari at
madre at dahan dahang natanggap ng mga maysakit ang
kinilang kalagayan. Inialay ng mga pari, madre, doctor
at mga kawani ng ospital ang kanilang sarili sa
pagkalinga sa mga maysakit, isang gawain ng kailangan ng
tibay ng loob sapagkat ang mga may karamdamang ito ay
higit pa ang pangangailangan kaysa sa mga bagong silang
na sanggol.
Sa paglipas ng panahon, ang Culion ay dahan-dahang
nagbagong anyo. Ang mga maysakit ay nagsimulang
makabanaag at makasilay ng pag-asa. Sa likod ng maraming
luha, hindi mapantayang sama ng loob at hinanakit, sa
animo’y habambuhay na takipsilim ay sumilay ang bagong
buhay sa tulong ng mga nilalang na ang puso’y nasa
paglilingkod, pagkakawanggawa – ang layunin ay misyon ay
sa mga kapwa nilalang na sinubok ng tadhana.
|
|